Friday, July 25, 2008

KULTURA

Sa tinagal-tagal na pamamalagi bilang guro ni Goring sa Barangay, ngayon lamang siya sinabihan ng punong-barangay na mag-aral ng KULTURA para magkaroon ng lisensya sa pagtuturo. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na hindi totoong guro itong si Goring. Pero dahil sa pabagu-bagong panukala ng pamahalaang barangay e kelangan ka talagang sumunod.

Ano ba ang dapat mong matutunan sa KULTURA? Ultimong kahit si Petra na isa lang dakilang tsismosa at mamamahayag sa Barangay e kinaelangang matututo ng KULTURA. Kesehodang isang dekada ka ng namamalagi sa Barangay e kelangan mo pa ring matuto at magkaroon ng papeles na naglalaan na nag-aral ka ng KULTURA.

Isa itong kahibangan, kababuyan at puno ng kaplastikan saad ni Goring. Isang paraan upang pagkakitaan ng Barangay sa kadahilanang maraming taga ibang lugar and dumadayo sa Barangay para maghanap ng pagkakakitaan. Pero hindi tamang gamitin ang sitwasyong ito upang gawing "pakatasan" lalo pa't walang malinaw na batayan sa kung sino ang dapat sumali at sa kung ano ang dapat pag-usapan.

Sa unang araw ng pagpupulong, pinag-usapan ng mga delegado ang tungkol sa mga Batas ng Barangay. Sa higit isang libong araw na pananatili ni Goring sa Barangay at pagbabasa ng dyaryo at komiks, kahit papano naman e may alam si Goring sa Batas na pinaiiral sa lugar. Syempre sa kadahilanang dayuhan sya sa lugar, kelangan ni Goring kumuha ng papeles para gawing legal ang pamamalagi nya sa Barangay. Ang tagapag salita sa araw na iyon ay walang iba kundi isang pinoy at hindi katutubo ng lugar. Sa isip ni Goring..."Ito'y isang malaking sirkus!".

Ang pagpupulong ay tatagal ng tatlong araw, unang araw pa lang ng pagpupulong ay alam na ni Goring na mababagot na sya at nag-isip na sya ng gagawin kung papano labanan ang kabagutan. Sa unang araw, walang pagpapakilalang ginawa. Ang mga delegado ay nagmula sa iba't ibang barangay na syempre e may iba't ibang kultura. Tagalog at ingles lang ang madidinig mo sa loob ng kwarto. Unang ginawa ni Goring e ang magsararili, hindi sya nakihalubilo sa mga Pinoy dahil alam nya kung papano ang ugali ng pinoy kung nagsama-sama lalo pa't iisang eskwelahan lang ang pinanggalingan ni Goring at ng ibang pinoy. Sila ay maiingay at kung minsay nawawalan ng delikadesa. Kahit sa hapagkainan, pinili ni Goring huwag sumalo sa mga kasamahang pinoy.

Komento ni Chichay, mas magagaling daw ang pinoy sa mga ibang dayuhan dahil pagnagsalita daw ang ibang delegado at hinihingan ng komento sa isang bagay wala naman daw saysay ang mga pinagsasabi nila. Umiral na naman ang kahunghangan ni Chichay, isip-isip ni Goring. Si Petra naman akala mo alam ang lahat at palagi syang may tanong. Hindi mo alam kung nagpapapansin lang sa mga lalakeng dayuhan o talagang ganun na sya.

Sa ikalawang araw ng pagpupulong, ito na ang araw kung saan sinimulan ang pag-aaral tungkol sa KULTURA. Unang aralin tungkol sa sinasakupan ng Barangay. Isip-isip ni Goring para syang asa unang baitang ng paaralan at kinaelangan nyang matutunan kung ilang tao ang asa Barangay, saan nagmula ang tao, ultimong mga puno at prutas e kinaelangang pag aralan kung saan nagsimula. Sa walong oras na pagpupulong, naka sampung tasang kape, apat na boteng tubig, at sampung beses na bisita sa palikuran si Goring. Idagdag mo pa ang paghihikab nya ng kung ilang beses dahil sa kung ano ano ang pinagsasabi ng isang katutubo na tagapagsalita ng ikalawang araw. Matatapos din ang araw na ito, isip isip ni Goring!

Medyo nabuhayan lang si Goring ng dugo ng pagusapan na ng mga delegado ang kultura ng ibang lugar at ikumpara ito sa Barangay. Ito ay hindi direktang pagkukumpara ng la islas pilipinas o ng ibang dayuhang barangay sa Barangay. Pero dahil magaling ang mga pinoy, palaging nasasambit ang la islas pilipinas at sila na rin ang nagsimula ng isyung diskriminsyon. Isang kahalayan ang ginawa ng aking mga kababayan. Hindi ba nila naisip kung gaano kasensitibo ang paksa na iyon. Hindi malaman ni Goring kung saan patutungo ang usapan pero naisip isip ni Goring masaya ang mga pangyayari kasi nagkakaroon ng kulay ang pagpupulong. Hinintay nyang magkaroon ng bakbakan pero wala namang kaguluhang naganap.

Sa huling araw ng pagpupulong ay ang pagaaral ng mga katutubong sayaw, pagaaral ng linguahe at ang pagkanta ng kantang pambarangay. Ipinapasa Diyos na lang ni Goring ang kaganapan sa huling araw. Positibo ang pananaw ni Goring dahil pagkatapos ng pagpupulong e magiging normal na ang buhay nya. Magkikita kita sina Goring, Amalia at Linda, sila ay naibitahan sa isang magarbong kainan na iilan lang ang pinalad na makasama dahil ang iba ay hindi SOSYAL!

3 comments:

Anonymous said...

Wala talaga akong masabi sa blog na 'to :) Kakaaliw! :)

Anonymous said...

magarbo ba kamong handaan? e bakit hindi imbitado si donya buding?

Anonymous said...

bembem:)>> ito ay para sa inyong lahat, para sa mamamayang pilipino at ng sangkalibutan

gibo>> naku si donya buding ay kasalukuyang naglalakbay sa karagatang pasipiko... dapat may pasabi muna anim na buwan bago ang pagdidiwang