Monday, August 18, 2008

Palengkerang Goring sa Halagang Singkwenta Pesos!

Kahit naman sino, ayaw ng nadedehado. Kahit hindi ikaw ang sangkot, ugaling pinoy, isasangkot mo ang sarili mo. Kapag naman ikaw ang sangkot, ugaling pinoy, para kang si Urduha o si Lapu-lapu, sugod kung sugod.

Nang nagdaang linggo, pinadala si Goring sa isang paligsahan kasama ang mga katutubong bata. Walang magawa si Goring kundi sumunod kahit alam niyang hindi nya maiintindihan ang mga sasabihin doon at hindi rin nya mababasa e pumayag pa rin syang samahan ang mga estudyante. Guro e, yon siguro ang epekto pag pinanganak ka ng Huwebes, araw daw ng mga guro. Kaya naman sa puso at diwa ni Goring, dakila syang guro. Walang kamalay-malay si Goring sa mga pangyayari sa araw na yon. Hinatid sya sa ibang paaralan at ni hindi alam ni Goring kung paano ang pauwi. Naisip nya may di padyak naman sasakay na lang sya doon magbabayad na lang sya kung magkano aabutin ang metro.

Paghatid kay Goring at sa mga estudyante, iniwan na sila ng sasakyan. Maaga pa kaya medyo masaya pa ang mukha ni Goring ng medyo magtanghali na kunot na ang noo nito. Lalo syang nangunot ng asa tanghalian na, walang binigay ni kusing ang paaralan ni Goring sa mga bata pangkain man lang o pambili ng palamig.

Sabihin na nating mayaman nga ang mga katutubong sumali sa paligsahan pero dala ng mga bata ang pangalan ng paaralan mano't bigyan mo naman ng konting pakunswelo man lang. Pinalipas ni Goring ang mga pangyayari. Umabot at natapos ang paligsahan ng alas singko ng hapon. Umuwing luhaan ang grupo at dismayadong dismayado naman si Goring sa kinahinatnan ng paligsahan. Hindi man lang nakapuntos ang mga batang karay karay nya. Ang tanong ng mga bata kay Goring " Madame papano ka uuwi?" sagot naman ni Goring "Aba syempre sasakay ako, bakit kayo hindi ba kayo binigyan ng paaralan ng pamasahe?" sabayang sagot ng sampung batang kababaehan " HINDI PO". Ay nagpanting ang tenga ni Goring, tinawagan nya ang lahat ng taong pwedeng tawagan sa paaralan, ni isa walang sumagot. Kahit si Amalia na walang kamalay malay na napagsabihan nya ng sama ng loob.

Lunes. Unang araw ng linggo at unang araw para makita ang mga taong kinauukulan matapos ang insidente. Masayang nag-umpisa ang araw ni Goring pero alam nyang makakatikim ng talim ng dila ang mga taong sangkot sa kahihiyan at kawalanghiyaang natamo nya. Nang makita nya ang taong nagpadala sa kanya. Abot tenga ang ngiti ng guro sabay sabing " Ay pakikuha nga pala ang singkwenta pesos na bayad sa iyo dahil sinamahan mo ang mga bata". Ayon sa regulasyon ng paaralan, estudyante o guro singkwenta pesos lang ang matatangap mo, TANONG NG BAYAN... MAKATARUNGAN BA ITO?

Bira ni Goring "Hindi ko tatangapin ang singkwenta pesos na yan, kung gusto mo itulong mo na lang sa mga pulubi pangkain nila! Para mo akong sinampal, nalalaman mo ba ang mga pinagsasabi mo?"

Hindi pa natatapos dyan ang litanya ni Goring, tanghaling tapat kinausap nya ang pinuno nya sa departamento at sinabi nya ang saloobin nya. " Kung magpapadala kayo ng mga bata at guro sa isang paligsahan siguraduhin nyong hindi maagrabyado ang mga nagpunta. Isa pa hindi nyo alam pumili ng mga isasali, walang kwenta dapat hindi na lang tayo lumahok dahil talagang kahiya-hiya!"

Isa isahin natin ang litanya ni Goring:

1. Walang binigay na programa bago pumunta. Kelangan ni Goring ng programa dahil kelangan nyang intindihin muna ang lahat. Para yang pupunta ka ng digmaan na walang bala, mamamatay ka na nga lang wala ka pang laban.

2. Sabi kay Goring, ihahatid at hindi na susunduin pauwi. Naintindihan yon ni Goring pero hindi nya maatim ang mga batang walang kasama. Iwan kung nagiisip ba ang paaralan. Kung ang inahin nga pag nabasa ang sisiw nililimliman sila ng ina ako pa kaya. Turing ni Goring sa mga bata ay mga anak na ito.

3. Buong maghapon ang paligsahan at buong hapon na asa maiinit na kwarto ang lahat. May nagutom, nauhaw pero tiniis yon ng lahat tapos SINGKWENTA PESOS? Aba sampal gusto nila?

4. Walang balak tangapin ni Goring ang anumang bayad mula sa paaralan, ito ay bilang protesta sa ginawang kabalbalan sa kanya.


Matapos nyang maglitanya sa pinuno nya, hindi pa natatapos ang lahat. Nakasalubong nya pauwi ang pinuno ng Akademya. Nagkaroon na naman ng "Maalaala mo Kaya"

Lumabas ang pagka maldita ni Goring. Walang ka urba-urbanidad. Walang magtutulak na gawin yon kung hindi naman kinanti si Goring. Ayon nga ng isang kasabihan... LINTIK LANG ANG WALANG GANTI! Si Goring pa e dating AMASONA!

Sunday, August 17, 2008

Apat Dapat?

Nang nakalipas na buwan, napag usapan nina Goring, Amalia, Linda at Lusing na magluto at sila sila rin lang ang kakain. Si Lusing ang nagsabi na sa palasyo na lang gawin ang pagluluto dahil siguro naisip nya kumpleto sya ng kasangkapan na sinang ayunan naman ng tatlo. Iyon ang "Araw ng mga Ina". Sa kadahilanang si Lusing lang ang may asawa sa kanila, minarapat na rin nilang ipagdiwang at bigyan ng pagpupugay si Lusing. Nasa paglalakbay ang kanyang dakilang asawa.

Wala namang ginawa si Lusing kundi buksan ang kanyang aparador at bigyan ng kung ano ano sina Goring, Amalia at Linda. Hindi naman maka hindi ang tatlo kasi dapat pag binigyan ka dapat tangapin mo ng bukal sa loob. Kahit hindi mo magagamit, dapat tanggapin.

Sari-saring kwento ang madidinig mo kay Lusing. Mula sa kanyang mga kapatid, hanggang sa asawa hangang sa namayapa nyang ama. Kung hindi ka sanay sa kanya sasabihin mong may problema sya. Medyo naging bukas lang ang loob ni Lusing sa tatlo dahil na rin siguro sa wala nga syang makausap at ang papalit-palit na emosyong meron sya.

Napansin ni Goring. Ang dila ni Lusing parang sintron ni Hudas, pagnasindihan mo putok na lang ng putok. Hayaan mo lang syang magkwento ng magkwento yon ang kanyang kasiyahan. Nababagabag si Goring sa ganoong sitwasyon. Kelangan ni Lusing maghinay hinay at matutong makinig. Hindi palagi sya ang bida. Sa umpisa, medyo maaaliw ka sa mga kwento pero pag tuloy tuloy medyo nakakabagot at parang nakakasakal na rin.

Hindi alam ni Goring ang saloobin nina Amalia at Linda. Kinimkim nya lang ang mga saloobin. Parehong barangay galing ang apat ngunit sina Goring at Lusing ay nasa iisang eskineta medyo magkalayo nga lang ang bahay.

Abot-abot naman ang pasasalamat ni Lusing at binigyan daw sya ng pagkakataon na makasalamuha at mapabilang sa magkakaibigan. Naisip tuloy ni Goring, mukhang kakailanganin yata ng tanong ng bayan at tawag sa telepono kung gagawin syang kasapi ng kulto. :)

Sino si Lusing de Maantala?

Maka- ilang araw ng nakalipas ay parating walang pasok sa barangay ni Goring. Kaarawan ng kamahalang ina ng mga katutubo at buong barangay ay sarado sa kalakalan. Minarapat ni Goring na mamahinga lang sa bahay dahil nagtitipid ito at huwag na lang lumabas para maiwasan ang anumang balak bilhin. Hangang sa nakatangap siya ng tawag mula kay Lusing.


Sino si Lusing? Lusing de Maantala ang buo nyang pangalan. Kababayan ni Goring na ang napangawasa ay isang nagngangalang Uncle Bob, isang mangangalakal. Tatlong taon na naninirahan si Lusing sa barangay ngunit kamakailan lang sila nagkakilala ni Goring sa isang pagtitipon. Magmula noon naging bukas na ang palitan ng usapan. Mahilig mag imbeta si Lusing ng kainan sa kanyang Mansyon. Makailang beses na ring naimbetahan sina Goring, Amalia at Linda sa nasabing kainan. Wala namang espesyal na okasyon gusto nya lang magkainan at lagi sya ang taya.


Nang makatangap ng tawag si Goring, sabi ni Lusing gusto daw nya ng inuman. Naimbetahan nya na si Linda hindi malinaw kung pati si Amalia e nasama sa usapan. Nang magkita-kita ang grupo sa mansyon ni Lusing, wala si Amalia. Si Amalia ay kasalukuyang may kinakalantaring lalake kaya hindi nakasama. Inuman ang tatlo sa buong magdamag hangang sa mag-aya si Goring na doon na lang sa Mansyon ni Lusing matulog. Biglang sabi ni Lusing "Huwag tayo dito matulog, doon na lang tayo sa palasyo". Walang tulak kabigin sina Goring at Linda kundi sumunod na lamang dahil na rin sa kahayukan ng dalawa sa alak.


Ang palasyo ni Lusing ay nasa tabi ng ilog. Isang gahiganteng tore na kung makailang palapag at sa umagay matatanaw mo ang silaw ng tubig sa ilog at masasaksihan mo ang takim silim sa hapon. May katulong si Lusing na isang katutubo.


Naisip ni Goring masarap tumira sa palasyo dahil pagising mo ng umaga nakahanda na ang paligo mo sabay kain ng umagahan tapos kililing lang ang katapat ang katulong nasa tabi mo na. Kala ko sa mga palabas ko lang matutuklasan ang mga pagka insulares. Paalala minsan ni Lusing kay Goring, huwag daw inaalala ang katulong kasi kakain daw yan pag gutom. Namimihasa raw pag medyo maaalalahanin ka. Sa puntong iyon, may naalala si Goring. Hindi nagkakalayo ang ugali ni Lusing at ni Dra. Belen sa pagtrato ng katiwala sa bahay.


Si Goring ay may malambot na puso sa mga katulong o hindi kaya katiwala. Pero sabi nga nila, iba iba ang ugali ng tao hindi dapat magkumpara.


Kinabukasan, tanghaling tapat na ng magising ang tatlo. Wala namang pasok dahil nga kaarawan ng ina ng mga katutubo kaya minungkahi ni Lusing na mamalagi na lang sa palasyo at magtampisaw sa ilog, kumain, manood, maglagay ng kung ano-ano sa mukha at mamahinga lang. Walang nagawa sina Goring at Linda kundi sumang-ayon sa suhestiyon. Nang nagdaang gabi pa kwento ng kwento si Lusing ng kung ano-ano at tila kelangan nya ng makakausap.


Araw ng mga tamad! Yan ang nangyari sa tatlo, walang ginawa kundi kumain, magpaganda at mahiga.

Si Lusing ay palamunin at ni walang trabaho. Palaging asa palengke gastos dyan gastos dito. Hindi naman nya nakakakwentuhan ang katulong. Nasambit nya minsan kay Goring " Asa sa akin na ang lahat at wala na akong mahihiling pa". Pero kung iisipin, walang katorya-torya ang buhay ni Lusing. Maaaninag mo sa isang tao kung hangin lang ba ang sinasabi nito o galing ba sa kaibuturan ng kanyang puso. Makikitaan mo ng lamlam sa mga mata si Lusing. Nag ambisyon minsan si Goring ng buhay na tulad ng kay Lusing pero ng makita nya ang sitwasyon, hindi ganitong buhay ang pinangarap ni Goring. Pangarap nyang mamuhay ng may saya, ng may kulay at higit sa lahat kuntento sa kahit anong meron ang buhay.

Saturday, August 9, 2008

Nahimasmasan na ang Ulirat ni Goring!

Mag-iisang linggo ng wala sa larawan si Goring. Akala ng iba'y namamahinga lang sya o baka naman marami lang siyang ginagawang trabaho sa eskwelahan. Kahit ang mga tsismosa nag-aalala kung bakit parang hindi nila napagkikita si Goring.

Nitong nakaraang linggo kakatapos lang ng isang mahiwagang kabanata ng pangkalawakan. Nangyari ang pagdidilim sa barangay Tsina ngunit kahit sa pangkatauhan ni Goring ay tila may nagbago rin sa kanya sa hindi nya maipaliwanag na pangyayari.

Nitong nakaraang lingo rin, nagbukas ang inaabangan ng lahat. Ang pagbubukas ng "palarong bayan" kung saan sa barangay Tsina gaganapin. Lahat inaabangan. Lahat nakatutok. Si Goring deadma. Hindi sya yayaman sa pangyayaring kada apat na taon lang kung maganap.

Magkagayunman, nasulyapan ni Goring ang ilang mga pangyayari sa telebisyon ng kapitbahay. At tunay sa inaasahan niya, walang kamangha-mangha sa mga nangyari. Dinaan lang nila sa dami ng ilaw na kung sa titignan mo e asa panahon tayo ng pagtitipid ng likas yaman. Nadaan rin ang pangyayari sa kulay na kung titignan mo e parang isang bahag-hari. At higit sa lahat, dinaan nila sa paputok. Paputok dyan at doon, naisip ni Goring magiging malinis pa kaya ang simoy ng hangin pagkatapos ng pagbubukas ng palaro.

Kinabukasan, pumasok si Goring sa trabaho.
Heto ang naging paguusap nina Goring at Selya, kasamahan sa trabaho.

Selya: Napanood mo ba ang pagbubukas ng palaro?

Goring:Nasulyapan ko ang pagbubukas at hindi ko sya nagustuhan. Sa dami ng mga sinabi ng pinuno ng barangay Tsina ukol sa pagdiriwang magiisip ka ng isang pagdiriwang na masaya, may ngiti, o asa isang mundo ka ng mahika kung saan lahat nagtipon-tipon para sa kasiyahan, walang takot o pagaalinlangan."

Selya: Huh?! Saan ka makakakita ng isang barangay sa Asya kung saan pagkakagastusan ang ganung kagarbo na palabas. Kahit sa barangay ng Greyego at ng mga Australiano e wala sa kalingkingan nila ang naging palabas. Makikita mo doon ang kultura ng barangay Tsina.

Nag-isip si Goring. Sino ba sa atin ngayon ang hindi nakakakilala sa kultura ng Tsina?

Goring: Maganda sa kung maganda ang palabas. Pero hindi mo makikita roon ang tunay na diwa ng laro. Makikita mo ang mga mukha ng mga nagsipag-palabas. May mga takot. May mga alinlangan. Kahit mga bata wala kang makikitang kasiyahan sa kanilang kamusmusan.

Biglang nahinto ang kanilang paguusap dahil sa pagdating ni Chichay sabay sabing " Hindi ko na tinapos ang palabas kasi napakatagal, huli na tinawag ang la islas pilipinas."

Nagmuni-muni si Goring. Kung hindi siguro nagpalapad ng papel ang barangay Tsina, hindi naman sya mag-aasam ng isang kamangha-manghang palabas.

Liham Para sa Ina ni Goring

Sa pagdiriwang ng "Araw ng Mga Ilaw ng Tahanan" na sinabay sa kaarawan ng reyna ng barangay, minabuti ni Goring sumulat sa kanyang ina. Matagal tagal na ring hindi nakapagpapadala ng liham si Goring.

Ito ang liham ni Goring sa kanyang ina.

Minamahal kong Ina,
Pagmulat sa mundo'y
ika'y aking nasilayan,
Unang yakap
aking naramdaman.
Haplos ng iyong mga daliri'y
nagbigay sigla sa isang munting buhay,
Tamis ng iyong ngiti'y
nagbigay ng liwalas sa aking mundong dalisay.
Unang sambit, lahaw ng iyak
iyo'y unang natuklasan,
Unang hakbang, unang yapos
iyo'y nasaksihan.
Umaga'y kay ganda
pag kita'y aking nasisilayan,
Habang yakap-yakap si Itay
na kaakit-akit pagmasdan.
O kay sarap, o kay ganda
ang lingap ng kadakilaan
Salamat sa'yo INAY
na Ilaw ng aming Tahanan.
Laging Nagmamahal,
Goring

Sunday, August 3, 2008

SEKS ( Sakim, Erotika, Kisap-mata, at mga Sandali)

SAKIM...

Simula na naman ng isang Sabadong walang katorya-torya. Isang balita mula sa la islas pilipinas ang bumungad kay Goring, MGA REBELDENG MUSLIM BINIGYAN NG SARILING KALAYAAN. Matagal ng nagkakagulo sa kinatimugang bahagi ng la islas pilipinas at dahil ayaw harapin ng batutang gobyerno ang problema minabuti na lang nilang bigyan ng sariling kalayaan ang mga SAKIM at nag-aalsang rebeldeng muslim. Para lang matigil, binigyan ng gobyerno ng sariling estado na kanilang patatakbuhin at upuan sa mga organisasyong kinabibilangan ng la islas pilipinas.

Walang magawa si Goring kundi ang mapabuntong hininga at nawa'y nakikita pa rin nila ang daan sa isang mapayapang solusyon rito.

EROTIKA...

Natapos ang araw ng Sabadong pagod dahil na rin sa kinaelangan ni Goring pumunta ng paaralan dahil sa walang kakwenta-kwentang pagpupulong ng mga katutubo. Kinaumagahan, Linggo, walang magawa si Goring kaya minabuti nyang pasyalan si Amalia. Kasalukuyan namang nagmumuni-muni si Amalia ng kanyang datnan sa tinitirhan kaya hindi pa ito nakakaligo ng datnan niya ng alas-once ng tanghali. Napag-usapan ng dalawa na manood na lang ng sine, ang palabas "Isang Taong Walang Pag-ibig". Isang kwento ng kabaklaan na maririnig mo sa salitang espanyol. Hindi kinaya nina Goring at Amalia ang kwento dahil na rin sa tahasang pananakit habang nagnanaig ang dalawang lalake at sa EROTIKANG kwento nito. Ito ang isa sa madaming paraan nila para magparaos sa tawag ng laman. Pagkatapos ng palabas, inimbetahan ni Goring si Amalia na maglakad-lakad na lang muna sa palengke dahil mahaba pa ang araw. Nag-ikot ikot ang dalawa sa palengke habang dakdakan ng dakdakan sa mga panlalait sa mga dumadaan.

KISAP-MATA...

Dahil na rin sa kapaguran ng paglalakad sa palengke, minabuti ng dalawa na umupo na muna at magpahangin. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakita kong napaKISAP-MATA si Amalia. Nakita namin ang kanyang dating nobyo na hindi na natin pwedeng banggitin ang pangalan dito kasi DATI na yon, wala na sya sa sirkulasyon. Masayahing kausap ang dating nobyo kaya lang may kasama. Ang kasama nya ay ang (basahin mabuti) ang dating nobyo ng nobyo ni Amalia. Masaya ang mga pangyayari dahil nagkita kita ang mga nakaraan at kasalukuyan.

SANDALI...

Ang mga SANDALIng ito ang nakapagbibigay ng kulay sa buhay ng mga tao sa barangay. Minsan mapapansin mo ang kasakiman at kagahaman ng mga taong hindi mo maisip kung ano nga ba ang tunay nilang pinaglalaban. Hindi na bago ito. Naging kultura na ito ng mga nilalang na kelangan nilang bigyan pansin. Sa kabilang banda, hindi mawawala sa tao ang mga paksang may pagka-erotika ang dating. Dito mo makikita ang imahinasyon ng mga nilalang at kung paano nila gawing kasabik-sabik at kung paano rin nila babuyin na dumadating sa kahindik-hindik at nakakatayong-balahibo ang pakikipagtalik. Ang lahat ng ito'y pwede mong masaksihan sa isang kisap-mata, na ang katotohanan at kulay ng buhay ay nasasaksihan!

Friday, August 1, 2008

Minsan ang Minahal ay Ako

Ano na lang, yong isang sandali na makatikim ng pagmamahal,
matapos ang luhang ipinagpalit ang sandali di naman magtagal,
ang yakap mo'y hahanap-hanapin akala ko ang mundo na ay akin,
ngunit hindi pala ganyan kay bilis makalimutan na minsan ang minahal ay ako.

Ano na lang, yong kaunting pasakit kung katumbas ay pagmamahal,
pagibig mo ay aking langit kahit buhay ko ay handang isugal,
ang tinig mo'y aking aawitin habang ako'y kakailanganin,
at kung ako ay iyong saktan ito ma'y gagawing dahilan pagkat minsan ang minahal ay ako.

Ang lingap mo'y hahanap-hanapin sa entabladong minsan ay sa akin,
at kung ako ay malimutan, kahit sa awit mo man lamang,
iyo sanang matandaan bago tuluyang lumisan,
na minsan ang minahal ay ako


Mula sa titik na nilapatan ng tugtog ni Ginoong Ryan Cayabyab at binigyang buhay sa boses ni Binibining Celeste Legaspi

Isa sa mga nakakahiligang gawin ni Goring ay ang makinig at umindayog sa modernong tugtog. Habang naghahalungkat sa kanyang bayong kung saan naging gamit nya sa paglalakbay patungong barangay mula sa las islas pilipinas, nakakita sya ng isang makalumang plaka kung saan dali-dali nyang pinagtugtog at isang kundimang kanta ang pumukaw pansin kay Goring. Ito ay ang kantang may titulong MINSAN ANG MINAHAL AY AKO.

Nitong mga nakaraang buwan, nagkaroon ng bukas na palitan ng telegrama ang dati'y manliligaw na si Abu at Goring. Si Abu ay isang mangagamot at tatlumpot apat na taong gulang. Noong asa las islas pilipinas pa si Goring, palagi nilang binabangka ang ilog pasig para mamasyal sa Luneta. Hindi maramdaman ni Goring noon kung ano ba ang tunay na pakay ni Abu sa kanya. Sa mga panahong iyon ay kasalukuyang kumukuha ng pagkadalubhasa si Abu sa medesina kaya hindi madalas ang kanilang pagkikita. Kahit papano ay nahulog rin naman ang puso ni Goring ngunit napangunahan sya ng kanyang pagiging dalagang pilipina at huwag maging agresibo sa nararamdaman.

Ngayong nagkaroon ulit ng tulay ang kanilang naudlot na pagmamahalan, ngayon lang nalaman ni Goring na sya lang daw ang naging seryoso at ang minahal ni Abu ng tunay. Nanghinayang si Abu ng hindi masabi kay Goring ang totoong nararamdaman ng harapan. Kung mabibigyan daw ng pagkakataon ay handa raw si Abu dugtungan ang makulay na nakaraan na sa kanya'y pakiwari magwawakas sa tunay na pagibig.

Tumaba ang puso ni Goring ng labis labis dahil kahit papano MINSAN ANG MINAHAL AY AKO at hindi lumilimos palagi ng pag-ibig!