Monday, August 18, 2008

Palengkerang Goring sa Halagang Singkwenta Pesos!

Kahit naman sino, ayaw ng nadedehado. Kahit hindi ikaw ang sangkot, ugaling pinoy, isasangkot mo ang sarili mo. Kapag naman ikaw ang sangkot, ugaling pinoy, para kang si Urduha o si Lapu-lapu, sugod kung sugod.

Nang nagdaang linggo, pinadala si Goring sa isang paligsahan kasama ang mga katutubong bata. Walang magawa si Goring kundi sumunod kahit alam niyang hindi nya maiintindihan ang mga sasabihin doon at hindi rin nya mababasa e pumayag pa rin syang samahan ang mga estudyante. Guro e, yon siguro ang epekto pag pinanganak ka ng Huwebes, araw daw ng mga guro. Kaya naman sa puso at diwa ni Goring, dakila syang guro. Walang kamalay-malay si Goring sa mga pangyayari sa araw na yon. Hinatid sya sa ibang paaralan at ni hindi alam ni Goring kung paano ang pauwi. Naisip nya may di padyak naman sasakay na lang sya doon magbabayad na lang sya kung magkano aabutin ang metro.

Paghatid kay Goring at sa mga estudyante, iniwan na sila ng sasakyan. Maaga pa kaya medyo masaya pa ang mukha ni Goring ng medyo magtanghali na kunot na ang noo nito. Lalo syang nangunot ng asa tanghalian na, walang binigay ni kusing ang paaralan ni Goring sa mga bata pangkain man lang o pambili ng palamig.

Sabihin na nating mayaman nga ang mga katutubong sumali sa paligsahan pero dala ng mga bata ang pangalan ng paaralan mano't bigyan mo naman ng konting pakunswelo man lang. Pinalipas ni Goring ang mga pangyayari. Umabot at natapos ang paligsahan ng alas singko ng hapon. Umuwing luhaan ang grupo at dismayadong dismayado naman si Goring sa kinahinatnan ng paligsahan. Hindi man lang nakapuntos ang mga batang karay karay nya. Ang tanong ng mga bata kay Goring " Madame papano ka uuwi?" sagot naman ni Goring "Aba syempre sasakay ako, bakit kayo hindi ba kayo binigyan ng paaralan ng pamasahe?" sabayang sagot ng sampung batang kababaehan " HINDI PO". Ay nagpanting ang tenga ni Goring, tinawagan nya ang lahat ng taong pwedeng tawagan sa paaralan, ni isa walang sumagot. Kahit si Amalia na walang kamalay malay na napagsabihan nya ng sama ng loob.

Lunes. Unang araw ng linggo at unang araw para makita ang mga taong kinauukulan matapos ang insidente. Masayang nag-umpisa ang araw ni Goring pero alam nyang makakatikim ng talim ng dila ang mga taong sangkot sa kahihiyan at kawalanghiyaang natamo nya. Nang makita nya ang taong nagpadala sa kanya. Abot tenga ang ngiti ng guro sabay sabing " Ay pakikuha nga pala ang singkwenta pesos na bayad sa iyo dahil sinamahan mo ang mga bata". Ayon sa regulasyon ng paaralan, estudyante o guro singkwenta pesos lang ang matatangap mo, TANONG NG BAYAN... MAKATARUNGAN BA ITO?

Bira ni Goring "Hindi ko tatangapin ang singkwenta pesos na yan, kung gusto mo itulong mo na lang sa mga pulubi pangkain nila! Para mo akong sinampal, nalalaman mo ba ang mga pinagsasabi mo?"

Hindi pa natatapos dyan ang litanya ni Goring, tanghaling tapat kinausap nya ang pinuno nya sa departamento at sinabi nya ang saloobin nya. " Kung magpapadala kayo ng mga bata at guro sa isang paligsahan siguraduhin nyong hindi maagrabyado ang mga nagpunta. Isa pa hindi nyo alam pumili ng mga isasali, walang kwenta dapat hindi na lang tayo lumahok dahil talagang kahiya-hiya!"

Isa isahin natin ang litanya ni Goring:

1. Walang binigay na programa bago pumunta. Kelangan ni Goring ng programa dahil kelangan nyang intindihin muna ang lahat. Para yang pupunta ka ng digmaan na walang bala, mamamatay ka na nga lang wala ka pang laban.

2. Sabi kay Goring, ihahatid at hindi na susunduin pauwi. Naintindihan yon ni Goring pero hindi nya maatim ang mga batang walang kasama. Iwan kung nagiisip ba ang paaralan. Kung ang inahin nga pag nabasa ang sisiw nililimliman sila ng ina ako pa kaya. Turing ni Goring sa mga bata ay mga anak na ito.

3. Buong maghapon ang paligsahan at buong hapon na asa maiinit na kwarto ang lahat. May nagutom, nauhaw pero tiniis yon ng lahat tapos SINGKWENTA PESOS? Aba sampal gusto nila?

4. Walang balak tangapin ni Goring ang anumang bayad mula sa paaralan, ito ay bilang protesta sa ginawang kabalbalan sa kanya.


Matapos nyang maglitanya sa pinuno nya, hindi pa natatapos ang lahat. Nakasalubong nya pauwi ang pinuno ng Akademya. Nagkaroon na naman ng "Maalaala mo Kaya"

Lumabas ang pagka maldita ni Goring. Walang ka urba-urbanidad. Walang magtutulak na gawin yon kung hindi naman kinanti si Goring. Ayon nga ng isang kasabihan... LINTIK LANG ANG WALANG GANTI! Si Goring pa e dating AMASONA!

3 comments:

Anonymous said...

Mabuhay ka Goring dahil itinayo mo ang bandila ng mga amasona! :) Nasa katwiran ka at dapat lang na makatikim ang mga yan. Buti ka pa maalalahanin at may malasakit. Saludo kaming magkakabarangay sayo! :)

Anonymous said...

alam mo ang naputanayan lang ng kahindik-hindik na pangyayaring ito ay: isa ka ngang ina. maternal instincts ang umiral sa araw na yun kaya lubos na lang ang pakikipaglaban mo para sa mga anak mo. sabi nga ni kapitana, mabuhay ka goring.

[G] said...

guro na ay inang yaya pa ng mga sisiw? hindi ito makatarungan!

mabuhay ka goring!