Sunday, August 17, 2008

Apat Dapat?

Nang nakalipas na buwan, napag usapan nina Goring, Amalia, Linda at Lusing na magluto at sila sila rin lang ang kakain. Si Lusing ang nagsabi na sa palasyo na lang gawin ang pagluluto dahil siguro naisip nya kumpleto sya ng kasangkapan na sinang ayunan naman ng tatlo. Iyon ang "Araw ng mga Ina". Sa kadahilanang si Lusing lang ang may asawa sa kanila, minarapat na rin nilang ipagdiwang at bigyan ng pagpupugay si Lusing. Nasa paglalakbay ang kanyang dakilang asawa.

Wala namang ginawa si Lusing kundi buksan ang kanyang aparador at bigyan ng kung ano ano sina Goring, Amalia at Linda. Hindi naman maka hindi ang tatlo kasi dapat pag binigyan ka dapat tangapin mo ng bukal sa loob. Kahit hindi mo magagamit, dapat tanggapin.

Sari-saring kwento ang madidinig mo kay Lusing. Mula sa kanyang mga kapatid, hanggang sa asawa hangang sa namayapa nyang ama. Kung hindi ka sanay sa kanya sasabihin mong may problema sya. Medyo naging bukas lang ang loob ni Lusing sa tatlo dahil na rin siguro sa wala nga syang makausap at ang papalit-palit na emosyong meron sya.

Napansin ni Goring. Ang dila ni Lusing parang sintron ni Hudas, pagnasindihan mo putok na lang ng putok. Hayaan mo lang syang magkwento ng magkwento yon ang kanyang kasiyahan. Nababagabag si Goring sa ganoong sitwasyon. Kelangan ni Lusing maghinay hinay at matutong makinig. Hindi palagi sya ang bida. Sa umpisa, medyo maaaliw ka sa mga kwento pero pag tuloy tuloy medyo nakakabagot at parang nakakasakal na rin.

Hindi alam ni Goring ang saloobin nina Amalia at Linda. Kinimkim nya lang ang mga saloobin. Parehong barangay galing ang apat ngunit sina Goring at Lusing ay nasa iisang eskineta medyo magkalayo nga lang ang bahay.

Abot-abot naman ang pasasalamat ni Lusing at binigyan daw sya ng pagkakataon na makasalamuha at mapabilang sa magkakaibigan. Naisip tuloy ni Goring, mukhang kakailanganin yata ng tanong ng bayan at tawag sa telepono kung gagawin syang kasapi ng kulto. :)

2 comments:

Anonymous said...

Sa isang banda, makikita mo na palagay ang loob ni Lusing sa inyong apat kaya wala syang pag aalinlangan sa kanyang sinasabi. Ngunit, datapwat, subalit may katwiran ka rin Goring na magabag at magkaroon ng alinlangan sa pag-uugali ni Lusing. Pero yun nga, baka di nakikita ni Lusing na medyo nakakasagasa na rin sya ng ibang tao. Kailangan lang talaga pagbibigayan at respeto sa isa't isa na nakikita ko namang ibinibigay mo. Mapagpasensya kang tao at lagi mong isinasaalang-alang ang pakiramdam ng mga taong nakapaligid sayo at ito'y isang kahanga-hangang ugali. Nawa'y balang araw, mapagisip-isip rin ni Lusing ang mga bagay-bagay at makinig sa mga pag-papaalaala mo... haay, kapagod talaga ang sariling wika, napakadaming a, e, i, o, u :)

Anonymous said...

habang sinusulat ko ang ang aking kuro-kuro sa iyong mga sinabi... kasalukuyan namang kausap ko si lusing sa kabilang dako... sabi ko matutulog na ako sabi nya mag-usap pa raw kami... mahaba ang buhay ni lusing hahahaha

pero sa lahat ng sinabi mo tama ka dra margie.... napakadaming a, e,i, o, u sa sarili nating wika hindi ba pwedeng a tapos o na lang