Tuesday, January 6, 2009

Kirot ng Kahapon!

Lumipas na naman ang isang taong animo'y kurot at nagbigay pilat sa Barangay ni Goring. Bakas ng hinagpis, kahirapan at lugmok sa damdaming hanggang ngayo'y tila isang masamang panaginip na humahagod sa kailaliman ng ulirat.

Sa lumipas na kahapon, balik-tanawin natin sa huling pagkakataon ang mga ala-alang nagbigay damdam at wari maging daan para sa manigong pagharap sa taong kasalukuyan....

1. Krisis. Ito ay tila naging isang tagak na nakabaon sa dibdib ng mamamayan sa Barangay ni Goring. Krisis sa kabuhayan, sa ipinaglalabang adhikain at tunay na pagkatao.

2. Dalamhati. Sa mga sagupaang naganap sa mga karatig lugar, paghihiwalay ng mga magsing-irog o sa naudlot na pagmamahalan tila ang dalamhati ay mananatiling anino't bakas na diwa lang natin ang makaka-alam kung kelan tayo makaka-alpas.

3. Poot. Kasabay ng dalamhati ay ang takot na harapin ang bukas dahil sa poot na namamahay sa ating puso. Maka-ilang beses na tayong nagtanim ng poot at maka-ilang beses na rin tayong hindi makawala at laging bumabalik sa nakaraan.

4. Imbot. Kelan ba tayo magiging masaya sa kung ano meron tayo. Kelan ba natin pwedeng sabihing may kani-kanya tayong hiwagang dapat tuklasin at bigyang pugay. Imbot sa kapwa, sa relasyon o sa pag-aari.

Sa nananamlay na diwa ng tao, tanging kapayapaan lang ang lunas. Sa pagsikat ng bagong umaga bigyang pugay ang butil ng kabutihan sa ating puso at dito magsisimula ang kasiyahang matagal na nating inaarok.

3 comments:

Anonymous said...

"ang dalamhati ay mananatiling anino't bakas na diwa lang natin ang makaka-alam kung kelan tayo makaka-alpas"

ang kata mo ning! di ko kinaya. love ko ang tagalog mo. parang binabasa ko ang "bayang magiliw".

Anonymous said...

ikinagagalak kong malaman na natutuwa ka sa aking mga katha... ugaliing magbasa corazon

Goring

Anonymous said...

Pakiramdam ko'y nalulunod ako sa baybayin ng iyong malalalim na katha at nahirapan akong huminga. Heavy, man, hanep! :P